Sponsor Links

Tuesday, December 16, 2008

May nadisgrasya na namang motorized banca sa Cagayan

Kahapon ay may nadisgrasya na namang motorized banca sa Cagayan.

Bagama’t may bagyo at sinasabing malalaki raw talaga ang alon sa karagatan ng Calayan Island nang mangyari ang trahedya, isa sa sinisilip ngayon ng mga awtoridad ay ang sobra-sobrang pasahero nito.

Sa inisyal na report ay 50-katao lang daw ang limitasyon ng bangka, kasama na ang mga tripulante. Pero ang nangyari ay halos umabot yata sa 100 ang sakay nito kahapon. Hindi pa naman ito kumpirmado pero ito ang lumilitaw sa inisyal na ulat, base na rin sa lumolobong bilang ng casualties.

Nakakalungkot dahil magpa-Pasko pa naman. May mga naulila na namang pamil­ya. At ang higit na masakit, maaari sanang naiwasan ang trahedya kung hindi nasilaw sa malaking kita ang shipping company na may-ari ng bangka. Pero gaya nga ng ipinapaliwanag namin, iniimbestigahan pa ang pangyayari at lahat ng napapaulat, pati na ang ‘overloading’ ay inisyal na report pa lang.

Gayunpaman, mayroon nang history ang mga shipping companies dito sa Pilipinas e. Tuwing ganitong panahon ay malimit na nangyayari ang trahedya sa dagat at maraming kaso nito ay dahil sa overloading.

Palibhasa’y peak season ang Kapaskuhan at talagang dagsa ang mga pasaherong nagsisiuwi sa kani-kanilang probinsya sa ganitong panahon, nagsasamantala naman ang mga kumpanya. At sa kagustuhang masagad ang kita, kahit malagay sa peligro ang buhay ng mga pasahero ay isinusu­gal na nila.

Ang sa kanila siguro ay tiyempuhan naman ang disgrasya. Malas na lang kung madale.

Nakakatakot ang ganitong mentalidad. Sila bilang ship owner at operator, pinili nilang isugal ang kanilang sasakyan. Pero ang pagsusugal sa buhay ng mga pasahero ay hindi kailanman saklaw ng kanilang karapatan.

Kaya dapat ay mabigyan ng leksyon ang mga ship owners at operators sa nakaraang mga trahedya para talaga matuto ang mga ito. Palibhasa’y nalulusutan nang ganun-ganon lang ang mga kaso, kaya marami pa rin ang sumusunod sa yapak ng mga nakasuhan nang shipping firms.

Tayo naman, bilang mga pasahero ay maging responsable rin tayo sa ating sariling kaligtasan, lalo na nga kung bibiyahe tayo na kasama ang ating pamilya, partikular ang mga bata. Maging conscious tayo sa ating kaligtasan. ‘Wag natin itong ipaubaya sa profit-
oriented na mga ship owners.

Importanteng alamin n’yo ang passenger limit ng sinasakyang mga barko o bangka. At kung alam n’yo na ito, alamin din kung pang-ilang pasahero na kayo. O kaya naman, kung makikita n’yong pati pasilyo ng barko ay tinutulugan na o kaya ay tayuan na sa bangka, siguradong overloaded ‘yan.
Kayo na mismo ang umatras at hintayin na lang ang susunod na biyahe.

Hindi baleng maantala ng dating sa pupuntahan kaysa naman manganib ang buhay n’yo at ng inyong pamilya sa kamay ng iresponsableng mga ship owners at operators.

No comments:

Post a Comment